Noong ika-10 ng Setyembre, maluwalhating ginanap sa Quartierzentrum Bachletten (QuBa) sa Basel ang ikatlong Kuwentuhang Sabado. Isang maliit ngunit aktibong pangkat ng mga bata kasama ng kanilang mga magulang ang nagtipon at lumahok para sa okasyong ito.
Ang paksa para sa pagtitipong ito ay “Pamilya” . Imbes na iisa lamang na aklat ang binasa, lubos na ginanahan ang mga tsikiting at sunod–sunod na ipinabasa ang “Ikaw Ba ang Nanay Ko?” ni Rodolfo Desiduado, “Ay, Nakuu…” ni Reni Roxas at Sergio Bumantay, “Sino Po Sila sa Bahay?” ni Jomike Tejido at “My Ate and I/My Kuya and I” ni Ani Rosa Almario at Kay Aranzanso. Natutunan ng mga bata ang tawag sa bawat miyembro ng pamilya pati na rin ang tamang pagtawag sa mga nakakatanda sa kanila (“ate”, “kuya”).
Dahil maaraw at sadyang napakaganda ng panahon, nagmeryenda ang grupo sa Schutzenmattpark. Pagkatapos ay masaya ring naglaro at nagtampisaw sa maliit na paliguan ang mga bata.
Sana ay makadalo kayo sa susunod na Kuwentuhang Sabado!
*Isang talunton mula sa isang kanta.