Sa Kuwentuhang Sabado ng ikasampu ng Desyembre, tinalakay namin ang kuwento ng Pasko: Nagpaturo ang tatlong hari ng daan sa bituing maliwanag sa kalangitan para matagpuan ang regalong ibinigay sa sanlibutan. Bituin din ang naging tema namin sa pagdidisenyo at pagbubuo ng iba-ibang crafts na dinikitan namin ng mga makikislap o kaya naman ginawa naming hugis bituin para ipanregalo.
Sa Zurich Oerlikon ginanap ang nakaraan naming pagtipon-tipon, sa isang kuwarto ng Zentrum ELCH. Pagkatapos ng pagrehistro, maaari na kaming tumuloy sa paggawa ng mga crafts habang hinihintay ang iba pang mga bata. Maraming hinanda ang mga nanay na puwede naming ibuo at ipamigay sa Pasko: nagkulay kami ng mga Christmas cards na may masayang mensahe galing sa dalawa naming maskot, gumawa kami ng mga ornaments sa Christmas tree gamit ang mga cookie former at ipit o kaya naman bumuo kami ng parol gawa sa pambalot ng regalo na puwede naming isabit sa bahay.
Nang makompleto ang grupo, nagtipon-tipon na kami sa may banig at kinanta namin ang awit namin ng pagpapakilala para mapag-aralan namin ang mga pangalan ng isa’t isa. Ito naman ay sinundan ng napiling kanta ni Isis: Paru-parong Bukid. Sumunod dito ang pagbunot namin ng mga laruan sa loob ng sako ni Tita Sining kung saan ay nakatago ang cast ng aming mapapakinggang kuwento ng Pasko: mula sa mga hayop sa pastulan hanggang kay Sanggol Jesus. Nang mabunot na namin ang lahat ng may papel sa kuwento ng Pasko, pinakinggan namin ng mabuti ang binasa sa amin ni Tita Sining para maiabot namin sa kanya ang laurang makakabuo ng eksena. Dahil naging regalo daw si Sanggol Jesus sa buong sanlibutan, kami rin daw ay kailangang matutong magbigayan.
Gaya ng tatlong haring nagdala ng regalo kay Sanggol Jesus, kami rin ay naghanda ng maibibigay naming regalo sa mga kalaro namin. Kada isa sa amin ay bumunot ng pangalan at bumuo ng maunting regalong puwede naming ibigay sa kanya. Ang tawag dito ng mga bata sa Pilipinas ay „Munito-Munita“. Natuwa naman kaming ibigay ang regalong hinanda namin – pero lalong masaya ang makatanggap ng regalo mula sa aming munito o munita. Pagkatapos nito, kami ay nagkantahan na ng awiting pamasko at tinugtog namin ang mga instrumentong gawa ng mga nanay, bago bumalik sa paggawa ng aming mga crafts. Salamat din sa mga matatanda na nagturo sa amin at tinulungan nila kaming mabuo ng maayos ang aming mga crafts.
Nang mayari na ang mga ito, kami ay nagligpit at nagmeriyenda. Nagdala ang mommy ni Massi ng masarap na ginataang halo-halo at pinapak namin ang mga dalanghita at mani habang tinitikman ang masasarap na Christmas cookies. Dahil nasarapan ang mga magulang namin sa pag-uusap, nakapaglaro pa rin kami ng taguan at ipinaghalungkat din namin ang mga laruan ng Zentrum ELCH. Pero bandang alas sinko, kung kailan uwian na, nagtulungan na ang lahat sa pagliligpit at paglilinis – mga bata tulad din ng mga matatanda. Palibhasa: lahat kami, mga bituing nagniningning.
—-
Salamat kay Lenny para sa Blog entry at mga Larawan nung nakaraang Kuwentuhang Sabado!
Sali na kayo sa susunod na KS. Gaganapin ito sa Basel as ika-21 ng Enero, 2017. Mag-enrol na dito o kaya magpadala ng E-mail sa kuwentuhangsabadao(at)gmail.com.
Sana magkita tayo sa susunod na Kuwentuhang Sabado!