Sa ikalawang pagkakataon, ginanap ang Kuwentuhang Sabado isang napakalamig na hapon sa Basel. Maraming mga bata mula sa edad 2-14 taon gulang ay dumalo kasama ang kanilang mga magulang upang “makipiyesta”.
Ang paksang patuloy na tinatalakay ay “Mahilig kaming magdiwang”. Sa Pilipinas ay maraming mga piyesta at pagdiriwang na nagaganap at mabilis ding yakapin ng mga Pilipino ang pagdiriwang sa ibang bansa o kultura.

Kung sa Basel ay malapit nang ipagdiwang ang Fasnacht sa Marso, sa Pilipinas naman ay ginanap na ang Ati-atihan sa Enero.
Dahil dito, ibinasa ang aklat na isinalin sa Inggles at Pilipino “Fasnacht mit Lucius”. Si Lucius ay isang batang nakikilahok sa Fasnacht. Sa kabilang dako, isinalaysay din ang nilikhang kuwento ni Boy, isang bata mula sa Aklan na naghahanda naman para sa Ati-atihan.
Mga batang KS abalang-abala sa paggawa ng mga maskara pang Ati-atihan— o kaya pang Fasnacht?
Pagkatapos ng paglalahad ng mga kuwento, natutunan din ng mga bata ang tungkol sa iba pang mga piyesta tuwing Enero sa Pilipinas tulad ng Sinulog at Dinagyang. Lahat sila ay nagmeryenda at ipinagpatuloy pintahan at lagyan ng dekorasyon ang kanilang mga maskara.
Handa na sumali sa Ati-Atihan!

Nagwakas ang pagtitipon pagkatapos ng kaunting kantahan at pagpiprisinta ng kanilang mga maskara sabay kaalinsabay ng sigaw tuwing Ati-atihan, “Hala bira, pwera pasma!”.
Text by Mommy Sining
Ang susunod na pagtitipon ay sa ika-11 ng Enero sa Schüpfheim, Luzern. Mag-email lang kung nais nyong makisali at makipag-kuwentuhan sa grupong KS. Sana magkita tayo sa susunod na Kuwentuhang Sabado!