Pagtatapos ng unang sikolo
Ang huling pagtitipon ng mga ka-Kuwentuhan para sa sikolong 2016-2017 noong nakaraang ika sampu ng Hunyo ay muling ginanap sa Zentrum ELCH sa Oerlikon at may mga 15 na batang dumalo kasama ang kanilang mga nanay at tatay. Aming tinalakay ang buhay ni Jose Rizal at ang salaysay kay Guillermo Tell.
Nagkataon namang halos sabay ang aming pagtitipon sa pagdiwang ng Pistang Pambansa ng mga Pilipino kaya marami din kaming natutunan tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas at tungkol sa pagpipista ng mga Pinoy. Sadyang may dalang mga larawan ang mga guro namin na makakapagpaliwanag sa amin nito.
Aming pinakinggan din ang alamat tungkol sa Pagong at Matsin (kung minsan ay tinatawag ding Tsonggo) at ginaya namin ang kanilang mga kilos habang kami’y binabasahan ni Gurong Sining. Nang matapos naming pakinggan ang mga kuwento, kami naman ay maaaring magkulay ng watawat ng Suwisa o kaya naman ng watawat ng Pilipinas. Ang mga mas maliliit sa amin ay nakaisip ng iba-ibang disenyo sa mga ito. Malay natin, balang araw baka itong mga ito ang maging opisyal na disenyo ng mga pambansang mga watawat.
Gawa ng magandang panahon, nakapagmeriyenda kami sa labas, kung saan maaari din kaming maglaro sa liwasan. Nakatikim kami ng masarap na gulaman na dala ng isa sa mga nanay sabay sa salo-salong handa ng buong grupo. Walang sawaan ang aming paglalaro, napilitan na lang kaming magpaalaman noong malapit nang gumabi.