Alam niyo ba ang mga bahagi ng katawan? Ito ang tema ng Kuwentuhang Sabado noong ikalawa ng Setyembre. Sinimulan ang pagtitipon ng isang kuwento ng magkakapatid na daliri na tinawag na “Si Hinlalaki” at sinulat ni Virgilio Almario. Dito nalaman ng mga bata ang iba’t ibang pangalan ng mga daliri, pati ang kahalagahan ng pagtutulungan. Matapos magtanungan at magturo ng iba’t ibang bahagi ng buong katawan, kumanta ang lahat ng “Sampung mga Daliri” at “Paa, Tuhod, Balikat, Ulo”.
Upang maisaulo ang mga bahagi ng katawan, nagkulay ang mga bata ng mga larawan ng batang lalaki at babae. Mayroon din itong mga patlang kung saan maaaring isulat ang mga pangalan ng mga bahagi ng katawan. Namigay din ng mga makukulay na papel kung saan pwedeng bakasin ang hugis ng kamay para hindi malimutan ang mga pangalan ng mga daliri.
Nagmeryenda ang lahat ng masarap na taho pagkatapos ng pagkukulay at pagsusulat. Maski na may kaunting kaguluhan dahil sa ingay ng smoke detector, tuloy pa rin ang ligaya sa Kuwentuhang Sabado.
Magkita-kita tayo sa susunod na Kuwentuhang Sabado!