Masaya, masigla, mainit at nakakabusog ang kauna-unahang field trip ng Kuwentuhang Sabado na naganap sa Wassen.

Sapagkat ang batong granita na ginamit sa Rizal Memorial sa Luneta sa Maynila ay nanggaling dito mismo sa Reiswald quarry ng Wassen noong 1912, binuksan noong 2014 ang unang Rizal Park dito sa Switzerland bilang alaala sa ating bayani! (Read more about Rizal Park of Wassen here. )

Sa tanghaling ito, noong ika-1 ng Hunyo, nagtagpo-tagpo ang mga pamilyang KS sa isang ihawan sa ibaba ng Rizal Park sa Wassen.
Nag-ihaw ng mga karne at gulay ang mga magulang habang nagtatakbuhan ang mga bata. At syempre, hindi makakalimutan ang ensalada, chicharon, biskwit, chichirya, tinapay at inumin para sa lahat.

Pagkatapos ng masaganang handaan at kainan, hindi pwedeng mawala ang tambayan at jamming, lalo na’t napakagandang pakinggan ang boses ni Mommy Charlie kasabay ng pagtugtog nya ng kanyang (outdoor) ukulele.

Pagkalipas ng tambayan at kaunting siesta, binisita namin ang bantayog ni Pepe upang ipagdiwang ang kuwento ng buhay nya at ang mga kuwentong pambata na isinulat nya.
Kinuwento ni Mommy Sining ang “Rizaldy” na sinulat ni Eugene Evasco. Sinundan iyon ng kuwento na sinulat ni Jose Rizal, “Si Matsing at si Pagong” na binasa naman ni Mommy Cherry. Pagkatapos, isinalin ni Mommy Kith ang Ingles na “Magic Mat” ni Virgilio Almario.

Ngunit bitin kung walang kantahang pambata, kaya syempre kumanta din kami ng Bahay Kubo, Sampung mga Daliri at Ako ay May Lobo matapos ang mga kuwento.

Bago maguwian, binisita naman namin ang simbahan ng Wassen, na tanyag sa buong mundo dahil tatlong beses itong dinadaanan ng tren na paakyat ng bundok papuntang Ticino.

Mula sa labas ay hindi kakaiba ang simbahan, ngunit nakamamangha ang loob nito.

Sa dami ng natutunan, nakita, at naranasan sa araw na ito, nag-uwian ang lahat na busog at masaya kahit pagod.
Magkita-kita tayo sa susunod na Kuwentuhang Sabado!